Wednesday, March 12, 2008

Kasunod ng sigwa'y panahong payapa.

Buhay
Manuel Car. Santiago

Sagitsit ng tuwang nanulay sa ugat,
Aliping damdamin na nagpupumiglas,
Nang bigyan ng laya't bayaang umalpas,
Ang lugod ng puso'y dumaloy na katas.
Nagpikit ng mata ang antuking ilaw
At saka lumatag ang katahimikan;
Tulog na ang lahat, walang naglalamay
Kundi mga pusong tugma't magkaramay.
Halos nagpupuyos ang wagas na mithi,
Nang walang masayang na mga sandali;
Nagpapalumagak ang layong masidhi
Sa silid na kaban ng mga lunggati.
Bangkay na ang lugod matapos lumaya,
Patay na ang ningas ng kanilang nasa;
Kay tamis ng hirap, kay sarap ng luha,
Kasunod ng sigwa'y panahong payapa.
(Sa dibdib ng lupa ang punla'y tumubo
At ngayo'y hinog na ang bunga sa puno).

No comments: